Friday, July 10, 2026

Tulong sa pamilyang Baterbonia at Adili, tiniyak ng pamunuan ng Ateneo

Tiniyak ng Ateneo de Manila University (ADMU) ang pagbibigay suporta sa pamilyang naiwan ng dalawang student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Sa joint hearing ng Senate Committees on Basic Education at Higher, Technical and Vocational Education ay naging emosyonal si Ateneo President Father Roberto Yap matapos kundenahin ang dagdag na sakit na nararanasan ngayon ng kanilang komunidad.

Ayon kay Fr. Yap, hindi lang nawalan ng ka-teammates at kaibigan ang mga myembro ng university community na direktang apektado ng trahedya kundi sa gitna ng patuloy na pagluluksa ay nakakaranas din sila ngayon ng cyberbullying, online harassment at trial by publicity.

Sinabi ni Fr. Yap na kinukundena nila ang mga ganitong aksyon dahil mas lalo lamang itong nagpapalalim sa sakit dahil sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon.

Iginiit din ng Ateneo president na nauunawaan nila ang frustration ng kanilang community at kaisa rin sila sa paghahanap ng katotohanan sa nangyaring trahedya.

Siniguro ni Fr. Yap ang pagiging bukas at patuloy na pagbibigay ng anumang uri ng tulong na kailangan ng pamilyang Baterbonia at Adili at handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon.

Facebook Comments