Ulat na may mga POGO workers na nakakalusot sa mga checkpoints dahil may Police Escort, iniimbestigahan na ng PNP

Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa ulat na may 22 POGO (Phi­lippine Overseas Ga­ming Operator) workers ang nakalusot sa mga checkpoints dahil sa may mga Police Escorts.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac mismong ang Police Security Protection Group o PSPG ang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Aniya mas maiging malaman muna sa ginagawang imbestigasyon ang totoong nangyari bago gagawa ng nararapat na aksyon ang PNP.


Tiniyak ni Banac kapag napatunayang may paglabag na ginawa ang mga Police Escort na kasama ng mga POGO workers ay hindi nila ito kokonsintihin sa halip papatawan ng nararapat na parusa.

Matatandang sa ulat, dalawang Police Escort na kinilalang sina P/Senior Master Sergeants Harold Corpuz at Clifford Ventura na nakatalaga sa PSPG sa PNP-Camp Crame ang umano’y Police Escort ng 22 POGO workers.

Nakasakay sila sa dalawang van at dalawang delivery trucks na bumiyahe at nakalusot sa mga checkpoints mula Maynila papasok ng Cagayan.

Facebook Comments