Tuesday, May 26, 2026

Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, hindi nababahala sa rekumendasyon ng Blue Ribbon Committee

Kampante lang ang pakiramdam nina Senator Jinggoy Estrada at Senator Joel Villanueva sa kabila ng kasama sila sa listahan ng inirerekomenda ng Blue Ribbon Committee (BRC) na isailalim sa malalimang imbestigasyon para sa mga posibleng kaso ng plunder at katiwalian.

Kagabi lang ay inilabas ni BRC Chairman Ping Lacson sa pamamagitan ng privilege speech ang draft partial report ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Estrada na hindi siya nababahala at hindi naman nakakasira ang naturang rekomendasyon ng partial report.

Ito ay dahil naglabas naman na ng statement ang budget office ng Senado na magpapatunay na wala siyang record sa akusasyon na siya ay nagsingit ng P355 million para sa flood control.

Nilinaw ni Estrada na wala siyang sama ng loob kay Lacson ngunit sana nga aniya ay pinayagan silang ma-interpellate ang kasamahan.

Ganito rin ang sentimyento ni Villanueva na hindi siya nababahala dahil nasa panig niya ang katotohanan.

Punto pa ng mambabatas, hanggang ngayon ay hindi siya nakakasuhan dahil mapapatunayan sa kanyang records na siya mismo ang umaalma sa mga flood control projects noon pa man.

Samantala, si Senator Chiz Escudero na kabilang din sa rekomendasyon para sa masusing imbestigasyon ay wala pang reaksyon hanggang sa ngayon.

Facebook Comments