
Malapit nang matapos ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad ang pag-apula sa nasunog na Navotas Sanitary Landfill.
Ayon kay Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Officer Von Villanueva, nasa 79.6 percent na ang kanilang naapulang apoy sa 44 ektaryang nasunog na landfill.
Bagama’t hindi ito makapagbigay ng eksaktong petsa ay malapit na aniyang matapos ang pag-apula sa sunog.
Maayos na rin aniya o nasa “good” at “fair” ang air quality sa Metro Manila at mga karating na probinsiyang naapektuhan ng sunog.
Una nang sinabi ni Navotas Mayor John Rey Tiangco, ang DENR mismo ang makakakumpirma na maayos na ang air quality index base sa kanilang assesstment.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Japan Disaster Relief Team ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para alamin ang mga aral na natutunan sa pagkasunog ng malawak na landfill na nagtagal na ng halos isang buwan.
Kung maalala, nasunog ang mahigit 40 ektarya noong Abril 10.










