Tunay ngang “Tree of Life” ang puno ng niyog, dahil mula sa ugat, sanga, at bunga ay maaaring gawing kapaki-pakinabang. Ngayong tag-init, isang pamatay-uhaw ang manamis-namis at masustansyang buko juice, ngunit bukod sa laman at sabaw nito, ang matigas na bao o coconut shell ay pwede rin pa lang gawing charcoal briquettes.
Sa Calasiao, itinuturing na potensyal ng Quinit School of Science, Agriculture, Trade and Arts Inc. para sa agrikultura ang paggawa ng coconut charcoal briquettes o uling, gayundin ng coconut mokusaku na ginagamit bilang organic fertilizer.
Sa ilalim nito, sinasanay ng tanggapan ang ilan pang magsasaka sa bayan upang isulong ang alternatibo at makakalikasang hakbang na maaaring gawing pagkakitaan at alternatibo sa tahanan.
Taglay ng coconut charcoal briquettes ang mas matagal na baga, hindi mausok at environmental friendly, habang ang coconut mokusaku naman ay mabisang pamatay-peste at pang-taboy ng mga insekto sa taniman nang hindi gumagamit ng matatapang na kemikal.
Layunin ng programang ito na madagdagan ang kaalaman at kita ng mga magsasaka lalo’t nasa gitna tayo ng crisis ng langis. Sa ganitong paraan mas napapakinabangan ang bawat bahagi ng niyog at napapalakas ang kabuhayan ng marami. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








