
Mariing kinondena ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc ang napaulat na pagtakas ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa mula sa protective custody ng Senado.
Para kina Representatives Antonio Tinio, Sarah Jane Elago at Renee Louise Co, ito ay maituturing na kapalpakan ng aministrasyon at ng liderato ng Senado.
Ayon sa Makabayan Bloc, ang itinatakbo ng sitwasyon kaugnay kay Senator Bato ay kahihiyan ng buong bansa at nagpapakita ng patuloy na pag-iral ng impunity o kabiguang mapanagot ang mga nagkakasala.
Bunsod nito ay nananawagan ang Makabayan Bloc sa Marcos Jr. administration na arestuhin si Dela Rosa upang matiyak na mapapanagot ito sa kinakaharap na kaso sa International Criminal Court.
Dagdag pa ng Makabayan Bloc, ang mga pangyayari sa Senado ay nagpapakita kung gaano kabulok ang sistema ng politika sa Pilipinas kung saan ang pananagutan ay hostage ng mga elite alliances, patronage networks, at factional bargaining.










