Makakatanggap ng libreng flu vaccine ang 120,000 senior citizens ng Taguig City simula ngayong araw.
Ito ay sa pamamagitan ng programang “Flu-tektado Sina Lola At Lolo: Flu, Malalabanan! Komplikasyong Pneumonia, Maiiwasan!” para sa lahat ng seniors ng Taguig.
Ang influenza o flu vaccine ay bakuna laban sa trangkaso at karaniwang ibinibigay na isang dose bawat taon.
Nagbabago naman ang laman ng influenza o flu vaccine bawat taon dahil nakabatay ito sa karaniwang virus na nagdudulot ng trangkaso.
Ang flu o trangkaso ay isang nakakahawang karamdaman na dulot ng influenza virus na naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing.
Ang pagbabakuna ng flu vaccine ay nagbibigay ng proteksyon sa isang tao laban sa sakit na trangkaso at sa posibleng komplikasyon nito katulad ng pneumonia.
Maaaring magkaroon ng trangkaso ang kahit sino, pero mas mapanganib ito sa mga taong edad 60 taon pataas at mga bulnerableng sektor dahil sa mas mahinang immune system.
Inilunsad ang naturang programa sa Taguig Center for the Elderly, Ipil-Ipil Street, Barangay North Signal.










