Friday, October 9, 2026

Ikatlong Article of Impeachment, inilaglag na ng prosekusyon

Inilaglag na ng House Prosecution Panel ang Ikatlong Article of Impeachment patungkol sa umano’y panunuhol ni Vice President Sara Duterte sa ilang opisyal ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay House Prosecutor at Bukidnon Representative Keith Flores ginawa nila ito sa pamamagitan ng written manifestation na isinumite sa Senate Impeachment Court noong Martes.

Paliwanag ni Flores, layunin nito na mapabilis ang paglilitis kay VP Sara lalo’t matitibay at malalakas na ang mga ebidensya at testimonya na nailatag sa impeachment trial para sa iba pang mga article of impeachment patungkol sa pagbabanta ni VP Sara sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at kaniyang pamilya, maling paggamit sa confidential funds at ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sabi ni Flores, wala pang tugon ang Impeachment Court sa kanilang hakbang dahil nasa kamay naman ng prosecution team ang buong pagpapasya kung ano mga articles of impeachment ang kanilang ipipresenta.

Ang Article 3 ay nakabatay sa umano’y pamimigay sa mga opisyal ng DepEd ng mga sobre may lamang salapi na nagkakahalaga ng ₱25,000 hanggang ₱50,000 sa panahon na si VP Sara ang education secretary.

Facebook Comments