
Iginiit ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Cavite First District Rep. Jolo Revilla na hindi dapat limitado sa Metro Manila ang pagpapatupad ng pagtaas sa arawang sahod ng mga ordinaryong manggagawa.
Mensahe ito ni Revilla makaraang aprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng P85 daily wage increase para sa mga minimum wage earners sa National Capital Region.
Panawagan ni Revilla magpatupad din ng kaparehong umento sa sahod sa mga lugar o rehiyon sa buong bansa para hindi mapag-iwanan ang iba pang mga manggagawa na nakakaranas din ng kaparehong economic pressures o nahihirapan sa pamumuhay.
Sabi ni Revilla, kung tutuusin ay matagal na dapat ikinasa ang umento sa sahod upang mapalakas ang kakayahan ng mga Pilipino na bumili o gumastos sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.
Tiniyak naman ni Revilla na patuloy ang trabaho ng Kamara partikular ng kanyang pinamumunuang komite para dinggin at busisiin ang mga panukalang batas na layuning iangat ang antas ng pamumuhay at itaguyod ang kapakanan ng bawat manggagawang Pilipino.










