Nabigyan ng pautang na mga pataba na walang interes ang 28 magsasaka sa Barangay Banaoang, Mangaldan—malaking tulong upang hindi na sila mangutang ng puhunan sa pagbili ng pataba.
Ang pamamahagi ay sa ilalim ng Rice Corporate Farming Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan.
Isinagawa ang pamamahagi nitong Nobyembre 5 sa mga miyembro ng Banaoang Mangaldan Farmers Association, Inc. kung saan nakatanggap sila ng iba’t ibang uri ng pataba na babayaran lamang sa panahong mayroon na silang kakayahang makapagbayad.
Inaasahang makatutulong ang programa na mabawasan ang pangangailan na umutang ng mga magsasaka para lamang pang-puhunan at maipagpatuloy ang pagsasaka.
Paliwanag ni Raul Bautista, Lead Coordinator ng Provincial Agriculture Office sa Pangasinan District IV, hindi agad pinagbabayad ang mga benepisyaryo sakaling masira ang kanilang mga pananim dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Sa halip, binibigyan sila ng panahon upang makabawi sa kanilang pagkalugi at magkaroon ng kakayahang bayaran ang hiniram na pataba.
Samantala, binigyang-diin ni Mangaldan Mayor Bona Fe De Vera-Parayno na mahalagang masuportahan ang mga magsasaka dahil nakasalalay sa kanilang produksyon ang suplay ng pagkain na kailangan ng bawat mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










