ILOCOS REGION,PINAIIGTING ANG PAGHAHANDA SA BANTA NG SUPER EL NIÑO; MGA AUTOMATED WEATHERSTATION, GINAGAMIT SA MAAGANG PAGSUBAYBAY SA KLIMA AT POSIBLENG PANGANIB

Pinaiigting ng Department of Environment and Natural Resources o DENR Ilocos Region ang mga hakbang sa paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño, partikular sa suplay ng tubig, seguridad sa pagkain, kabuhayan ng mga magsasaka at kalusugan ng mamamayan.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagtiyak na gumagana ang mga Automated Weather Station o AWS sa mga Priority Critical Watershed at Protected Area sa rehiyon.

Nakapagtayo na ng tatlong functional weather station sa Bolo River Watershed sa Ilocos Norte at Buaya River Watershed sa Ilocos Sur, habang walong karagdagang AWS naman ang nasa mga Protected Area.

Nangangalap ang mga ito ng mahahalagang datos tungkol sa pag-ulan, temperatura, halumigmig ng hangin, bilis at direksyon ng hangin, at iba pang kondisyon ng panahon.

Ginagamit ang nakalap na impormasyon sa pagpaplano ng pamamahala sa mga watershed at protected area. Nagsisilbi rin itong batayan ng mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagbuo ng mga hakbang upang mabawasan ang posibleng panganib.

Bukod dito, tinututukan din ng DENR ang mga plano ng mga Municipal Environment and Natural Resources Office, kabilang ang pagpigil sa ilegal na pagkonekta sa mga linya ng pampublikong suplay ng tubig.

Pinaiigting din ang paggamit ng mga ranger station, lookout tower, satellite data at automated weather station bilang bahagi ng Red Flag Alert System para sa maagang pagtukoy at pag-iwas sa mga sunog sa kagubatan.

Layon ng mga hakbang na ito na palakasin ang paghahanda ng mga komunidad at mabawasan ang posibleng epekto ng matinding init at tagtuyot na kaugnay ng Super El Niño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments