Wanted sa Tuguegarao City na may Patong-Patong na Kaso, Naaresto sa Laguna

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang “wanted” na may patong-patong na kasong “Estafa” sa isinagawang manhunt operation ng mga tauhan ng Tuguegarao City Police Station at Regional Highway Patrol Unit 2 sa Purok 7, Barangay Maunong, Calamba, Laguna kamakailan.

Unang nakipag-ugnayan ng PRO2 sa Calamba City Police Station kung saan matagumpay na nadakip ng mga otoridad ang suspek na si Danilo Sabacan, 51 taong gulang, mekaniko, at kasalukuyang naninirahan sa nabanggit na probinsya.

Batay sa ulat ng Tuguegarao City Police Station, itinuturing na Top 5 Most Wanted Person sa Lungsod si Sabacan.

Si Sabacan ay mayroong tatlong (3) Warrant of Arrest na ipinalabas noong 2015, 2016 at 2017.

Sangkot ang suspek sa mga kasong 3 counts na paglabag sa BP 22 o Bouncing Check Law na may piyansang Php5,000; 2 counts of Estafa na may bail na Php60,000 at isa pang hiwalay na kaso ng Estafa na may kaukulang piyansa na Php80,000.

Nakapiit ngayon ang suspek sa Cagayan Provincial Jail.

Facebook Comments