Nagsagawa ng information, education and communication (IEC) campaign on proper waste segregation ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa mga residente ng barangay tawin-tawin bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa wastong pamamahala ng basura sa komunidad.
Maagang sinimulan ng cenro ang aktibidad upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente hinggil sa tamang paghihiwalay ng basura at kahalagahan ng disiplina sa pangangalaga ng kapaligiran.
Sa isinagawang IEC campaign, ipinaliwanag ng mga kinatawan ng tanggapan ang wastong paraan ng waste segregation upang masiguro ang mas maayos na koleksiyon ng basura, mabawasan ang dami ng basurang dinadala sa tambakan, at maiwasan ang paglala ng mga suliraning pangkapaligiran.
Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat kabahayan upang mapanatiling malinis at ligtas ang komunidad laban sa polusyon at iba pang epekto ng hindi wastong pagtatapon ng basura.
Ayon sa CENRO, patuloy nilang isasagawa ang mga kahalintulad na programa sa iba’t ibang barangay upang higit pang mapalakas ang kamalayan ng publiko sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




