BRIGADA ESKWELA SA 63 PAARALAN SA URDANETA CITY, MAS PINALAWAK SA ILALIM NG BAGONG DIREKTIBA NG DEPED

Inihahanda na ng DepEd Schools Division Office ng lungsod ng Urdaneta ang pormal na paglulunsad ng Brigada Eskwela 2026 para sa darating na June 1 hanggang June 5.

Bukod sa tradisyunal na paglilinis, mas pinalawak ngayon ang paghahanda sa pamamagitan ng “Project HANDA” o ang DepEd School Readiness, alinsunod sa kautusan ni Education Secretary Sonny Angara.

Ayon kay Assistant Schools Division Superintendent Ma. Criselda G. Ocang, hindi lamang simpleng pagpipintura at pagwawalis ang tututukan ngayon sa ilalim ng bagong memorandum.

Bahagi ng mga isinagawang inspeksyon ng kanilang mga engineers at Disaster Risk Reduction o DRR focal persons ang kalidad ng mga upuan, maayos na electrical wiring upang maiwasan ang sunog, at ang pagsasaayos ng mga handwashing facilities at sanitation areas sa mga malalaking paaralan sa lungsod.

Inilatag din ng Assistant SDS na kasama sa kanilang tinitingnan ang digital readiness at connectivity ng bawat paaralan para sa makabagong paraan ng pagtuturo.

Pormal na ilulunsad ang soft opening ng aktibidad sa Nancayasan Elementary School kasama ang lokal na pamahalaan at mga volunteers mula sa 63 na paaralan sa lungsod.

Hinihikayat naman ng SDO Urdaneta ang buong komunidad na makiisa sa bayanihang ito upang mapunan ang mga kakulangan bago ang pormal na pagbabalik-eskwela ng mga kabataan.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments