Nahuli ng mga awtoridad ang tinatayang PHP1.4 milyong halaga ng iligal na sigarilyo at inaresto ang tatlong indibidwal sa checkpoint operation sa Barangay Zone I noong Abril 17.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, pinara ang isang puting Toyota Hi-Ace commuter van para sa routine inspection. Sa isinagawang ocular search, natuklasan ang mga kahon ng sigarilyo na nakatago sa loob ng sasakyan at may pekeng Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps.
Batay sa beripikasyon, walang naipakitang kaukulang transport o ownership documents ang mga sakay ng sasakyan. Kinumpiska ang kabuuang 35 kahon na naglalaman ng 1,720 reams ng assorted cigarettes.
Itinuturing na paglabag sa National Internal Revenue Code, TRAIN Law, at Graphic Health Warnings Law ang kaso dahil sa paggamit ng pekeng tax stamps at kawalan ng kaukulang dokumento.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bayambang Municipal Police Station ang tatlong suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.
Samantala, muling iginiit ni Pangasinan Police Director Col. Arbel Mercullo ang pagpapatuloy ng kaalaman at operasyong nakatuon sa pagpigil sa mga iligal na gawain upang maprotektahan ang publiko at masiguro ang pagpapatupad ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










