
Tatlong indibidwal na may kinakaharap na iba’t ibang kaso ang naaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon sa Umingan at San Manuel noong April 20, 2026.
Sa Umingan, arestado ng Umingan Municipal Police Station (MPS) ang isang 63 anyos na babaeng meat vendor sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng dalawang bilang ng paglabag sa Section 9 at 10 na may kaugnayan sa Section 28 (E) ng Republic Act 111999.
Inirekomenda ng korte ang piyansang nagkakahalaga ng ₱144,000. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, sa San Manuel, unang naaresto ang isang 50 anyos na lalaking magsasaka. Nahaharap siya sa tatlong bilang ng Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Republic Act 7610, na may piyansang ₱180,000 bawat kaso. Mayroon din siyang dalawang bilang ng kasong Statutory Rape at isang bilang ng Unjust Vexation, na pawang walang inirekomendang piyansa.
Sa hiwalay namang operasyon sa parehong bayan, inaresto rin ang isang 54 anyos na lalaking magsasaka at nahaharap sa dalawang bilang ng Acts of Lasciviousness kaugnay ng Republic Act 7610, na may inirekomendang piyansang ₱180,000 bawat kaso.
Ayon sa pulisya, ang mga pag-aresto ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










