
Cauayan City – Arestado ang isang Government employee na sangkot sa kasong rape at sexual assault sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Brgy. Rizal, Roxas, Isabela.
Kinilala ang naaresto bilang si “Lucas,” 31-anyos, at residente ng Brgy. San Placido, Roxas, Isabela. Siya ay nahaharap sa dalawang bilang ng kasong rape, isang sexual assault na may kaugnayan sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law, at isa pang sexual assault sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sa pinagsanib na pwersa ng iba’t-ibang unit ng kapulisan, naipatupad ng mga operatiba ang warrant of arrest na inilabas ng korte. Dahil sa bigat ng kasong rape, walang inirekomendang piyansa ng korte para rito,habang P200,000 naman ang piyansa para sa sexual assault na may kaugnayan sa Anti Child Abuse Law, at ₱120,000 para sa isa pang kaso ng sexual assault sa ilalim ng Revised Penal Code.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine at isinailalim sa dokumentasyon bago iharap sa hukuman.
Iginiit ng kapulisan na patuloy ang kanilang pagtugis sa mga wanted na indibidwal bilang bahagi ng kanilang tungkulin na mapanatili ang kaayusan at maibigay ang hustisya sa mga biktima at maprotektahan ang publiko at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.










