
Cauayan City – Nasakote ang isang 35-anyos na empleyado ng gobyerno sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Santa Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya matapos makuhanan ng hinihinalang shabu.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jed,” isang High Value Individual na nasa talaan ng PDEA bilang drug personality.
Narekober mula sa kanya ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang walong gramo at nagkakahalaga ng ₱54,400, kapalit ng ₱25,000 buy-bust money, pati isang motorsiklo at iba pang kagamitan.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang nasa kustodiya na ito ng pulisya.
Samantala, isinagawa ang operasyon sa pinagsanib na pwersa ng PNP Drug Enforcement Group, PDEA, at lokal na kapulisan.










