
Cauayan City — Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok 2, Barangay Sinamar Norte, San Mateo, Isabela gabi ng ika-30 ng Mayo.
Sa nakalap na impormasyon ng IFM Newsteam, sakay ng motorsiklo ang biktima at papalabas ng kanilang compound nang lapitan ito ng isang armadong lalaki na nakasakay rin sa motorsiklo at pinaputukan.
Nagtamo ng tama sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima kaya naman dinala ito sa pagamutan, subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Sa crime scene naman, narekober ang 6 na basyo ng bala ng Caliber 45 na siyang ginamit sa pamamaril.
Nakuha sa CCTV footage ang nangyaring pamamaril, subalit nahihirapan pa ang mga awtoridad na makilala ang suspek dahil hindi malinaw ang video bunga ng matinding ulan noong oras ng insidente.
Ayon sa pulisya, hindi muna isasapubliko ng kanilang himpilan ang pagkakakilanlan ng biktima habang hinihintay ang pormal na abiso mula sa kanyang pamilya.
Nananawagan naman ang San Mateo Police Station sa mga maaring makapagbigay ng impormasyon kaugnay sa nasabing pamamaril upang matunton ang suspek at matukoy ang motibo sa krimen.










