Saturday, May 9, 2026

𝗠𝗚𝗔 𝗣𝗔𝗦𝗔𝗛𝗘𝗥𝗢 𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗠𝗔𝗢𝗕 𝗡𝗔 𝗝𝗘𝗘𝗣 𝗦𝗔 𝗥𝗘𝗜𝗡𝗔 𝗠𝗘𝗥𝗖𝗘𝗗𝗘𝗦, 𝗗𝗘𝗦𝗜𝗗𝗜𝗗𝗢𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗚𝗦𝗔𝗠𝗣𝗔 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗦𝗢

Cauayan City – Desididong magsampa ng kaso ang mga pasahero ng tumaob na JEEP sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Tallungan, Reina Mercedes, Isabela nitong ika-7 ng Mayo. laban sa driver ng SUV na bumangga sa kanila.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM Newsteam sa Reina Mercedes Police Station, tumaob at nagpagulong-gulong ang pampasaherong jeep matapos na banggain ng SUV ang likurang bahagi nito.

Dahil sa lakas ng pagkabangga, maliban sa pagtaob ay natanggal pa ang dalawang gulong sa likurang bahagi ng jeep.

Sa kabila ng matinding banggaan, wala namang nasawi sa insidente subalit nasaktan naman ang 19 na pasahero ng jeep maging ang driver nito.

Ilan sa mga ito ang nasa pagamutan pa rin at inoobserbahan ang kanilang kalagayan.

Sa panayam ng IFM Newsteam kay Police Major Danilo Malab Jr., hepe ng Reina Mercedes Police Station, patuloy ang pagkuha nila ng salaysay at affidavit sa mga biktima lalo na’t desidido ang karamihan sa mga ito na magsampa ng kaso laban sa driver ng SUV.

Samantala, dahil lumampas na sa reglimentary period ay nakalabas na sa kustodiya ng Reina Mercedes PS ang driver ng SUV ngunit patuloy pa rin naman ang pakikipag-ugnayan nito sa mga awtoridad maging sa mga biktima.

Nagpapatuloy rin ang imbestigasyon ng Reina Mercedes sa nangyaring aksidente, maging ang pagpo-proseso ng mga kailangang dokumento para sa posibleng pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments