Wednesday, July 1, 2026

𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗞 𝗦𝗔 𝗕𝗥𝗨𝗧𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗧𝗘𝗢, 𝗦𝗔𝗦𝗔𝗠𝗣𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗡𝗔 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗦𝗢

Cauayan City – Posibleng maharap sa kasong homicide ang suspek sa likod ng karumal-dumal na pagpatay sa isang lalaking natagpuang puno ng taga sa isang sementeryo sa Brgy. Daramuangan Sur, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng IFM News Team kay Police Staff Sergeant Romel Gabia ng San Mateo Police Station, sinabi nito na hinihintay na lamang nila ang iba pang dokumento na kailangan sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

Aniya, ang suspek ay mismong kaibigan at kasama umano ng biktima sa pagtatanim ng palay. Matapos ang masusing follow-up investigations, kusa umanong sumuko sa mga awtoridad ang suspek at boluntaryong inamin ang ginawa nitong pagpatay sa biktima.

Ayon kay PSSG Gabia, base sa salaysay ng suspek ay matagal na umano itong may kinikimkim na sama ng loob sa biktima dahil sa umano’y pananakit nito sa kanya tuwing nasa impluwensiya ito ng nakalalasing na inumin.

Samantala, bagama’t nakahanda na ang kasong homicide na isasampa laban sa suspek, kukonsultahin pa rin umano ng mga imbestigador ang korte kung posible pa itong maiakyat sa mas mabigat na kasong murder.

Sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kapulisan ng San Mateo PS sa pamilya ng biktima upang mabigay ang isinisigaw ng mga itong hustisya para sa kanilang nasawing kaanak.

Facebook Comments