
Cauayan City – Agad na naaresto ng Tuguegarao City Component Police Station (TCCPS) ang suspek sa isang insidente ng hit-and-run na naganap gabi noong Hunyo 29 sa Maharlika Highway, Barangay Tagga, Tuguegarao City.
Batay sa imbestigasyon, tinatawid ng biktima ang national highway sa harap ng bahay ng kaniyang live-in partner nang mabangga siya ng isang kulay itim o gray na kotse. Sa halip na huminto at tulungan ang biktima, tumakas ang sasakyan patungong hilagang bahagi ng lungsod. Agad namang rumesponde ang City Rescue Team at isinugod ang biktima sa Cagayan Valley Medical Center para sa agarang gamutan.
Kaagad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis sa pakikipag-ugnayan sa Tuguegarao City Command Center. Sinuri rin ang mga CCTV footage at nagpalabas ng flash alarm sa mga kalapit na himpilan ng pulisya upang matunton ang sasakyang sangkot sa insidente.
Makalipas ang mahigit dalawang oras, natagpuan ang pinaghihinalaang sasakyan. Sa isinagawang inspeksyon, napansin ng mga awtoridad na nawawala ang kaliwang side mirror nito, na tumugma sa side mirror na narekober sa lugar ng aksidente.
Dahil dito, inaresto ang suspek, isinailalim sa medico-legal examination at alcohol breath test, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Tuguegarao City PS habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.










