Friday, May 8, 2026

𝗔𝗦𝗢, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗕𝗔𝗥𝗜𝗟𝗜𝗡 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗥𝗔𝗠𝗢𝗡; 𝗠𝗚𝗔 𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗞, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗛𝗔𝗡𝗔𝗣!

Cauayan City — Nanawagan ang Ramon Police Station sa publiko para sa anumang impormasyong makakatulong sa pagtukoy at pagdakip sa dalawang lalaking sangkot sa pamamaril ng isang aso sa kahabaan ng Alfonso-Lista Road sa Ramon noong Abril 24, 2026.

Batay sa ulat, sakay umano ang mga suspek ng kulay orange na Yamaha Aerox at nakasuot ng army green at orange o pulang long sleeves nang maganap ang insidente.

Sa CCTV footage na ibinahagi ng may-ari ng aso na si Jessy Velez Laddaran, makikitang kinahulan at hinabol muna ng mga aso ang mga suspek bago umano naganap ang pamamaril.

Ilang sandali matapos ang insidente, bumalik umano ang mga suspek at binaril ang isa sa mga aso, na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Aminado naman si Laddaran sa kanyang pagkukulang na mapabayaang nakaalpas ang kanyang mga alagang aso na maaaring magdulot ng panganib sa mga dumaraang motorista.

Gayunman, iginiit nito na hindi makatarungan ang paggamit ng baril laban sa mga hayop, lalo na sa pampublikong lugar kung saan nalalagay din sa peligro ang kaligtasan ng komunidad.

Umaasa rin siya na makakatulong ang video sa pagkilala sa mga suspek at magsilbing babala laban sa ganitong uri ng karahasan.

Facebook Comments