Monday, August 24, 2026

𝗥𝗢𝗧𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡𝗔𝗟 𝗜𝗥𝗥𝗜𝗚𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔𝗧𝗨𝗣𝗔𝗗 𝗦𝗔 𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗨𝗚𝗔𝗥 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔 𝗔𝗧 𝗜𝗙𝗨𝗚𝗔𝗢

CAUAYAN CITY-Nagpatupad ang National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng pansamantalang Rotational Irrigation Schedule sa mga lugar na sakop ng Division III upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na pamamahagi ng tubig sa mga sakahan sa gitna ng nararanasang kakulangan sa ulan.

Saklaw ng nasabing iskedyul ang mga munisipalidad ng Aurora, San Manuel, Roxas, Gamu, Quirino, San Mateo, at Burgos sa lalawigan ng Isabela, kabilang din ang ilang bahagi ng City of Ilagan at ang Alfonso Lista sa lalawigan ng Ifugao.

Ayon sa NIA-MARIIS, ipinatutupad ang rotational irrigation bilang tugon sa mababang lebel ng tubig sa Magat Dam at Siffu Dam na dulot ng epekto ng El Niño. Layunin nitong matiyak na ang bawat sakahan ay magkakaroon ng patas at sapat na suplay ng tubig para sa kanilang pananim.

Nanawagan naman ang ahensya sa lahat ng Irrigators Associations at mga magsasaka na mahigpit na sundin ang itinakdang iskedyul upang maging maayos ang pamamahagi ng tubig at maiwasan ang kakulangan sa irigasyon.

Facebook Comments