Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Eldrin Flores, isang mangingisda, nahihirapan umano siyang maghanapbuhay dahil matagal na silang hindi nakakapalaot sa malayong bahagi ng dagat.
Sa halip, nananatili lamang sila sa mababaw na bahagi upang mangisda dahil sa mga weather advisory ng mga awtoridad at pangamba dulot ng habagat.
Ibinahagi rin ni Flores na mayroon siyang iba pang pinagkukunan ng kita, gaya ng paggawa ng lambat, upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Dagdag pa niya, kulang na kulang umano ang kaniyang kinikita, lalo na’t patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina. Dahil dito, ang mga nahuhuli nilang isda ay kadalasan nang iniluluto at kinakain na lamang ng kanilang pamilya.
Samantala, nanawagan si Flores sa mga kinauukulan na sana ay mabigyan sila ng anumang uri ng tulong upang may maipantustos sa kanilang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan habang hindi pa normal ang kanilang pangingisda. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








