Saturday, November 14, 2026

𝗧π—₯𝗒 𝗦𝗔 π—£π—”π—šπ—•π—”π—žπ—Ÿπ—”π—¦ π—‘π—š π— π—šπ—” 𝗕𝗔π—₯π—œπ—žπ—”π——π—” 𝗦𝗔 π—žπ—”π—¦π—œπ—•π—¨, π—‘π—”π—”π—‘π—§π—”π—Ÿπ—”!

β€ŽKASIBU, NUEVA VIZCAYA – Pansamantalang naantala ang pagsisilbi ng kautusan para sa pagtanggal ng mga barikada sa mga pampublikong kalsada sa Kasibu, Nueva Vizcaya matapos tumangging tumanggap ng kopya ng dokumento ang ilang indibidwal na nasa lugar.
β€Ž
β€ŽAng 72-oras na Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Regional Trial Court Branch 30 sa Bambang ay nag-uutos sa agarang pagbaklas ng mga harang sa Paquet-Pao Municipal Road at mga kalsada sa Pao, Catarawan, Kakidugen at Paquet.
β€Ž
β€ŽSa ilalim ng kautusan, hindi maaaring hadlangan ang pagdaan ng mga sasakyan at tauhan ng North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC), gayundin ang mga truck na naghahatid ng pagkain, tubig, gasolina at iba pang suplay sa kanilang lugar ng operasyon.
β€Ž
β€ŽAyon kay Sheriff Robert Malcat, tumangging tumanggap ng kopya ng TRO ang ilang residente dahil hindi sila ang mga respondent na nakapangalan sa kaso.
β€Ž
β€ŽDahil dito, ipinaskil na lamang ng mga sheriff ang dokumento sa tabi ng kalsada upang magsilbing opisyal na abiso.
β€Ž
β€ŽNag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng NLMRC at Bugkalot Confederation matapos umanong mapahinto ang eksplorasyon ng kompanya dahil sa mga barikada, na nagdulot ng mahigit β‚±8.3 milyong pagkalugi.
β€Ž
β€ŽInatasan ang mga sheriff, katuwang ang Philippine National Police, na tiyakin ang pagtanggal ng mga harang upang maibalik ang access sa mga pampublikong kalsada habang dinidinig ang pangunahing kaso.

Facebook Comments