
Nasagip ng Department of Migrant Workers (DMW) ang 78 aplikanteng overseas Filipino workers (OFWs) mula sa isang accommodation facility ng recruitment agency sa Palanan, Makati City.
Ayon sa DMW, itinuro ng mga nasagip na aplikante ang Jenerick International Manpower Incorporated bilang kanilang recruitment agency.
Inalok daw ang mga aplikante ng trabaho bilang domestic workers sa ilang bansa sa Asia at Middle East.
Gayunman, nadiskubre ng DMW na nananatili ang mga aplikante sa isang accommodation facility na hindi rehistrado at walang kaukulang clearance permit mula sa kagawaran.
Lumabas din sa beripikasyon na hindi angkop ang pasilidad bilang tirahan dahil sa kakulangan sa espasyo, walang maayos na bentilasyon, at hindi ligtas na kondisyon para sa mga aplikante.
Agad namang nakipag-ugnayan ang DMW sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mabigyan ng paunang tulong ang mga nasagip na aplikante, kabilang na ang financial assistance at temporary accommodation.










