Hindi lamang kaalaman sa pagsasaka kundi pati kasanayan sa pagnenegosyo ang pinahusay ng 27 coconut farmers sa Pagudpud, Ilocos Norte matapos makumpleto ang Farm Business School Training.
Isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute Regional Training Center I o DA-ATI-RTC I, katuwang ang IMA Integrated Farm at Philippine Coconut Authority Regions I, II at CAR, ang Batch 4 ng pagsasanay mula Hulyo 24 hanggang Setyembre 22, 2026 sa Barangay Caparispisan.
Tinalakay sa training ang farm entrepreneurship, business planning, financial management at farm enterprise development upang matulungan ang mga magsasaka na mapatakbo ang kanilang mga sakahan bilang mas produktibo at sustainable na negosyo.
Kabilang din sa programa ang learning visits kung saan nakita mismo ng mga kalahok ang aktuwal na operasyon ng matagumpay na farm enterprises, kabilang ang value-adding activities, production practices at mga estratehiya sa pagnenegosyo.
Bilang bahagi ng pagsasanay, gumawa rin ang mga kalahok ng kani-kanilang farm business plans at re-entry plans na naglalaman ng mga hakbang kung paano nila iaangkop sa kanilang mga sakahan at komunidad ang mga natutunan.
Sa pamamagitan nito, mapapalakas pa ang entrepreneurial skills ng coconut farmers at mahikayat ang pagbuo ng mas produktibo, sustainable at market-oriented na mga farm enterprise sa Pagudpud at mga kalapit na komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







