Arestado ang isang Top 3 Regional Most Wanted Person ng Ilocos Sur Police Provincial Office o ISPPO sa isinagawang operasyon sa Tacloban City, Leyte noong Setyembre 28, 2026.
Ang suspek ay 38 anyos at tubong San Juan, Abra. Naaresto siya sa Barangay 93, Bagacay, Tacloban City sa bisa ng mga warrant of arrest.
Nahaharap ang suspek sa tatlong kaso ng Qualified Rape, kung saan walang inirekomendang piyansa, at dalawang kaso ng Lascivious Conduct na may itinakdang piyansang ₱120,000 sa bawat kaso.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Santo Domingo Municipal Police Station, katuwang ang Regional Intelligence Unit 8 at 14, San Juan MPS Abra, Ilocos Sur Provincial Intelligence Unit, Ilocos Sur Provincial Detective and Management Unit, 101st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1, Vigan City Police Station at Tacloban City Police Station.
Ayon sa ISPPO, naging susi sa matagumpay na operasyon ang napapanahong intelligence gathering at koordinasyon ng iba’t ibang police units sa kabila ng magkakaibang hurisdiksyon.
Patuloy namang hinikayat ng ISPPO ang publiko na magbigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon na makatutulong sa pagtukoy at pag-aresto sa mga wanted person. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣












