Pinaandar ng Commission on Elections o COMELEC sa Asingan ang pre-candidacy orientation para sa mga barangay at SK aspirants ng 21 barangay ng bayan noong Setyembre 24, para masigurong maayos at kumpleto ang kanilang Certificate of Candidacy (COC) filing.
Ayon sa COMELEC, ipaliwanag sa mga aspirante ang proseso at mga kinakailangang dokumento bago magsimula ang filing period dahil may ilang naghahain ng requirements na hindi sumusunod sa itinakdang proseso, kabilang ang pagsusumite ng photocopy ng dokumento.
Ipinaalala ng poll body na dapat maihanda at makumpleto ang lahat ng requirements bago ang filing upang maiwasan ang pagkaantala o problema sa pagsusumite ng COC.
Magsisimula ang filing of candidacy sa Setyembre 28 at magtatapos sa Oktubre 5, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Giit ng COMELEC, walang extension na ibibigay sa itinakdang walong araw na filing period.
Tinalakay din sa orientation ang mga qualification para sa mga nais tumakbo sa barangay at SK elections.
Hinikayat naman ng tanggapan ang mga aspirante na seryosohin ang kanilang mga responsibilidad sa mga magiging constituent at sundin ang mga itinakdang proseso sa filing. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





