DATING DAGUPAN MAYOR BRIAN LIM AT 3 IBA PA, IPINAG-UUTOS NG OMBUDSMAN NA SAMPAHAN NG KASONG MALVERSATION KAUGNAY NG HALOS ₱1 MILYONG PONDO NG LUNGSOD

Nakitaan ng Office of the Ombudsman ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction ang kasong malversation of public funds through falsification of public documents laban kay dating Dagupan City Mayor Marc Brian Chua Lim at tatlo pang respondent, kaugnay ng halos isang milyong pisong pondo ng pamahalaang lungsod.

Batay sa resolusyon ng Ombudsman na may petsang Mayo 14, 2026, iniutos ang pagsasampa ng kaukulang Information sa hukuman laban kina Lim, dating City Accountant Eva Macasieb Daroy, City Treasurer Romelita Fonseca Alcantara, at Evangeline Salinas Doria, may-ari ng Golden Vision Construction and Supply.

Nag-ugat ang reklamo sa pagbili umano ng dalawang wooden motorboat na nagkakahalaga ng ₱999,750, na ayon sa mga nagreklamo ay hindi naideliber sa pamahalaang lungsod sa kabila ng pagkakaroon ng mga dokumentong nagpapakitang natanggap ang mga ito.

Ayon sa reklamo, pineke umano ang mga lagda sa Property Acknowledgment Receipt o PAR at Inspection and Acceptance Report o IAR upang maproseso ang pagbabayad sa supplier.

Nauna nang naglabas ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance noong Pebrero 2023 kaugnay ng naturang transaksyon. Kalaunan, naging final and executory ang disallowance noong Disyembre 2023.

Iginiit naman ng mga respondent na hindi nila pineke ang mga dokumento. Ayon din sa panig ng supplier, hindi pa umano naideliber ang mga bangka dahil hindi pa tapos ang paggawa sa mga ito nang tangkaing isagawa ang delivery.

Gayunman, sinabi ng Ombudsman na may sapat na batayan upang dalhin sa hukuman ang kaso, partikular sa umano’y paggamit ng mga pekeng dokumento na naging dahilan ng pagpapalabas ng pondo ng lungsod.

Nilinaw na ang resolusyon ay hindi pa hatol ng pagkakasala. Mananatiling may presumption of innocence ang mga respondent hangga’t walang pinal na desisyon ang hukuman.

Samantala, bukas ang iFM Dagupan sa panig at karagdagang pahayag ng mga respondent kaugnay ng naturang resolusyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments