Nagsagawa ng inspeksiyon sa seguridad ang mga personnel ng Bayambang Municipal Police Station sa iba’t ibang bangko at financial establishments sa bayan, bilang hakbang upang maiwasan at mapigilan ang posibleng mga krimen.
Pangunahing sinuri sa inspeksiyon ang kalagayan ng mga padlock, pinto, bintana, gate, sistema ng ilaw, at iba pang posibleng pasukan na maaaring maging daan ng mga magnanakaw.
Tiningnan din ng mga pulis ang mga kalapit na drainage system, kanal, eskinita, at iba pang lugar sa paligid na posibleng magamit bilang daan sa pagpasok o pagtakas ng mga suspek.
Bahagi ang nasabing inspeksiyon ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Bayambang Police ng mga hakbang sa pag-iwas sa krimen at pagmomonitor sa seguridad ng mga establisimyento.
Isinasagawa ang inisyatiba sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng mga bangko at kanilang security personnel upang mapalakas ang mga hakbang pangseguridad at matiyak ang kaligtasan ng mga institusyong pinansyal, empleyado, kliyente, at publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











