Wednesday, October 21, 2026

Pagkakasama sa listahan ng Chinese Embassy, hindi ikinatinag ni Rep. De Lima

Hindi ikinatinag ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima na isinama na siya sa listahan ng Chinese Embassy makaraang igiit niya na dapat patalsikin sa bansa si Chinese Ambassador Jing Quan.

Diin ni De LIma, wala siyang balak magpatanggal ng pangalan sa listahan ng mga naninindigan para sa ating soberanya at pambansang dangal.

Isang karangalan, para kay De Lima na mapasama sa listahan ng mga hindi yumuyuko sa mga kasinungalingan at propaganda ng China.

Giit ni De lima, ang nabanggit na aksyon ng Chinese Embassy ay diplomasyang idinadaan sa garapalang pagbabanta at paninindak.

Sabi ni De Lima, tutal may palista-lista pang nalalaman ang Chinese Embassy ay baka gusto nilang ilabas na rin ang listahan ng mga tahimik lang sa panggigipit ng China at mga sunud-sunuran at mga tagapagtanggol nila.

Nakakaawa para kay De Lima ang China sa patuloy nitong pagsusulong ng walang basehang pag-aangkin sa West Philippine Sea na humahantong na sa panggugulo at paghahasik ng galit.

Facebook Comments