
Nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa koordinasyon sa mga kaugnay na ahensya ang tinatayang nasa ₱9.57 milyong halaga ng mining equipment sa isinagawang operasyon sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Ang nasabing anti-illegal mining operation ay isinagawa ng mga pulis mula sa Caraga sa koordinasyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Bayugan, at sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Regional Office 13.
Narekober sa lugar ang dalawang backhoes, tatlong gasoline-powered water pump engines, sluice box, baterya at iba pang mining equipment na hinihinalang ginagamit sa iligal na pagmimina
Wala namang indibidwal ang nasa site nang isinagawa ang nasabing operasyon.
Kaugnay nito, ang mga nakumpiskang equipment ay dinala sa kaukulang ahensiya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.










