Tuesday, June 23, 2026

𝗕𝗔𝗡𝗚𝗞𝗔𝗬 𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗗𝗧𝗔𝗗 𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗚𝗔, 𝗡𝗔𝗧𝗔𝗚𝗣𝗨𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗘𝗠𝗘𝗡𝗧𝗘𝗥𝗬𝗢 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗧𝗘𝗢

CAUAYAN CITY- Tadtad ng sugat at wala ng buhay nang matagpuan sa loob ng sementeryo ang isang lalaki nitong ika-22 ng Hunyo sa Brgy. Daramuangan Sur, San Mateo, Isabela.

Kinilala ang biktima na si alyas “Ian”, 37- anyos, isang construction worker at residente sa nabanggit na lugar.

Nagtamo ang biktima ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na hinihinalang sanhi ng sunod-sunod na pagtaga gamit ang matalim na sandata.

Sa naging panayam ng IFM News Team kay, Ginang Mila Constantino, nanay ng biktima, bago mangyari ang insidente sinabi nitong umalis umano sa kanilang bahay ang biktima upang dumalo sa isang lamay.

Dito umano nakita ang biktima na mayroong kausap na lalaki kung saan niyayaya umano siya nito na magtungo sa palengke.

Ito na ang huling beses na nakita siya ng kanyang ina kaya naman labis itong nag-alala nang sumapit na ang umaga ay hindi pa rin nakakauwi ang kaniyang anak.

Sa kasamaang palad, nang muli nila itong makita ay nasa kalunos-lunos na itong estado dahil sa tinamo nitong mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na pinaniniwalaang naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Hinala ng ina ng biktima na maaaring nadamay lamang ang kaniyang anak sa alitan o atraso ng kaniyang kasama at siya ang napagdiskitahan ng mga salarin. Posible rin umanong itinapon sa sementeryo ang bangkay matapos ang pamamaslang.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen. Wala pa namang inilalabas na detalye ang pulisya kaugnay sa insidente.

Hiling naman ng ina sa mga awtoridad na mas mapabilis ang imbestigasyon upang agad na matukoy ang mga responsable at mapanagot ang mga ito sa ilalim ng batas.

Facebook Comments