Tuesday, July 21, 2026

Mahigit 1,500 PNP personnel, ide-deploy para sa ika-44 na ASEANAPOL Conference sa bansa

Nasa kabuuang 1,559 na mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) mula sa iba’t ibang national support units ang itatalaga para sa ika-44 na ASEAN Chiefs of National Police (ASEANAPOL) Conference na gaganapin mula July 22 hanggang 26 sa Lungsod ng Pasay.

Susuportahan ang nasabing deployment ng 282 mobility assets at 3,765 na kagamitan sa komunikasyon at Information and Communications Technology para matiyak ang seguridad sa nasabing conference.

Nabatid na ngayong taon ay ang Pilipinas ang host country at ang nasabing conference ay may temang “United in Vision: Securing People and Strengthening Collaboration,” na lalahukan ng 186 na kumpirmadong delegado mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN, ASEANAPOL Secretariat, mga dialogue partner, at mga observer organization.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang goal ng PNP ay mai-host ng ligtas at maayos ang nasabing conference na magpapalakas sa tiwala at kooperasyon ng ASEAN Police Organizations.

Aniya, gusto nitong ipakita na ang Pilipinas ay maaasahan at tapat na kasangga sa pagpapatupad ng batas sa rehiyon.

Kaugnay nito, pangunahing tatalakayin sa nasabing pagtitipon ang pagpapalakas ng panrehiyong pagtutulungan laban sa terorismo, cybercrime, human trafficking, transnational organized crime, at iba pang mga umuusbong na hamon sa seguridad.

Facebook Comments