Sunday, May 17, 2026

𝗖𝗔𝗦𝗛 𝗥𝗘𝗟𝗜𝗘𝗙 𝗔𝗦𝗦𝗜𝗦𝗧𝗔𝗡𝗖𝗘, 𝗜𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗛𝗔𝗚𝗜 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗧𝗦𝗨𝗣𝗘𝗥 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

CAUAYAN CITY — Makatatanggap ng Cash Relief Assistance mula sa pamahalaan ang mga kwalipikadong tsuper sa lalawigan ng Isabela bukas, Mayo 18.
Ayon sa abisong inilabas ng DSWD Region II, magsisimula alas-11 ng umaga ang payout sa SM City Cauayan para sa mga tsuper mula sa mga bayan ng Cauayan, Cabatuan, Reina Mercedes, San Mateo, Aurora, at Luna.
Alas-8 naman ng umaga sisimulan ang payout sa The Capital Arena sa City of Ilagan para sa mga tsuper mula sa Ilagan, Benito Soliven, Gamu, Naguilian, San Mariano, Burgos, at Quirino.
Sa parehong oras din isasagawa ang payout sa 4 Lanes Plaza sa Santiago City para naman sa mga tsuper mula sa Santiago, Ramon, at Jones.
Pinapaalalahanan ang mga benepisyaryo na dalhin ang kanilang orihinal na Driver’s License at isang photocopy nito bilang requirement sa pagkuha ng ayuda.
Samantala, nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi lahat ng tsuper ay makakatanggap ng cash assistance. Ayon sa ahensya, nakabatay ang listahan ng mga benepisyaryo sa mga datos na isinumite ng iba’t ibang Local Government Units (LGUs) sa lalawigan.
Inaasahan namang makatutulong ang nasabing programa sa mga tsuper, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Facebook Comments