Pinalakas sa pamamagitan ng financial management training ang pitong asosasyon ng Sustainable Livelihood Program beneficiaries na tumanggap ng tig-₱200,000 Project Development and Advancement Grant mula sa Department of Social Welfare and Development.
Isinagawa ang pagsasanay sa simple bookkeeping at inventory management upang matiyak ang maayos na paggamit at pamamahala ng pondong inilaan para sa pagpapaunlad ng kanilang mga livelihood project.
Tinalakay sa aktibidad ang wastong pagba-budget, pagtatala ng kita at gastusin, at epektibong inventory management bilang mahalagang hakbang upang mapanatili ang operasyon at mapalago ang kabuhayan ng bawat asosasyon.
Pinangunahan ng mga kinatawan ng Sustainable Livelihood Program sa Pangasinan ang pagbabahagi ng kaalaman at teknikal na gabay para sa mas episyenteng pamamahala ng mga samahan.
Ayon sa tanggapan, bahagi ang aktibidad ng patuloy na pagpapalakas sa kakayahan ng mga benepisyaryo upang maging mas matatag at sustainable ang kanilang mga proyektong pangkabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











