Tinalakay ang panukalang pagtatayo ng Bayambang Slaughterhouse sa Barangay Iniringan sa naganap na public consultation nitong Huwebes, July 2, 2026.
Bahagi umano ito ng paghahanda para sa implementasyon ng proyektong nakapailalim sa Department of Agriculture–Philippine Rural Development Project Scale Up na pinopondohan ng World Bank.
Binigyang-diin ng LGU ang layunin nitong maisama ang iba’t ibang sektor sa proseso ng pagpaplano upang matiyak na ang proyekto ay magiging angkop sa pangangailangan ng komunidad, lalo na sa aspeto ng kalusugan, kalakalan, at lokal na industriya ng paghahayupan.
Ipinaliwanag sa pulong ang teknikal na aspeto ng panukalang pasilidad, inaasahang operasyon at mga patakaran ng magiging pasilidad pati na rin pagbabahagi ng Municipal Legal Office ang ukol sa grievance redress mechanism.
Nagkaroon din ng malayang talakayan kung saan naglabas ng mga tanong at mungkahi ang mga dumalo, partikular sa epekto ng proyekto sa kabuhayan ng mga livestock raisers at sa pangkalahatang operasyon ng palengke ng karne sa bayan.
Mahalaga umano ang naturang konsultasyon upang matiyak na ang itatayong pasilidad ay hindi lamang sumusunod sa pamantayan ng industriya kundi tumutugon din sa aktwal na pangangailangan ng mga mamamayan, bilang bahagi ng mas pinalakas na sektor ng agrikultura sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










