Mahigpit nang ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang Ordinansa Blg. 2381-2026, na nagbibigay ng kapangyarihan sa Public Order and Safety Office (POSO) na manghuli at mag-impound ng mga sasakyang minamaneho ng mga walang valid na driver’s license at ng mga nagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak o ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa anunsyo, ipatutupad ang ordinansa labinlimang (15) araw matapos ang opisyal na paglalathala at paglalagay nito sa mga pampublikong lugar, alinsunod sa mga itinakdang probisyon ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code.
Isasagawa ang implementasyon ng ordinansa sa pamamagitan ng POSO, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at iba pang awtorisadong traffic enforcement agencies.
Sa ilalim ng ordinansa, nakasaad ang mga multang posibleng ipataw depende sa ilang beses at kung ano ang nilabag sa ilalim ng ordinansa.
Pinaalalahanan ng Pamahalaang Lungsod ang lahat ng motorista na laging magdala ng valid na driver’s license o digital driver’s license sa LTO Portal, sumunod sa mga batas-trapiko, at huwag magmaneho habang nasa impluwensya ng alak o ipinagbabawal na gamot. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








