
Mariing binatikos ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando ang Department of Budget and Management (DBM) dahil sa malaking tapyas sa nakalaang pondo sa mga State Universities and Colleges (SUCs).
Inihayag ito ni San Fernando sa budget deliberations sa Kamara para sa 141 billion na panukalang pondo para sa mga SUCs sa susunod na taon.
Inihalimbawa ni San Fernando ang paglalaan ng kakarampot na pondo sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) na may halos 100,000 mga estudyante pero 3.6 billion lang ang inilaang budget.
Tanong pa ni San Fernando, nakapunta na ba ang mga taga-DBM at Commission on Higher Education (CHED) sa PUP para nakita sana nila ang hindi magandang sitwasyon sa unibersidad kung saan hindi gumagana ng maayos ang mga ceiling fan, maliit ang mga silid-aralan at sa mga comfort rooms ay ginupit na galon ng ketchup ang ginagamit na tabo.
Nakakatiyak si San Fernando na ang nakakadismayang estado ng PUP ay kapareho din sa iba pang mga pampublikong kolehiyo at unibersidad dahil sa kakulangan ng pondo.
Punto ni San Fernando, nagre-request ang mga SUCs ng pondo base sa kanilang totoong pangangailangan pero malayo sa realidad ang ibinibigay na alokasyon ng DBM.










