Tuesday, October 13, 2026

Cross-examination sa forensic financial analyst, ipinagpapatuloy sa day 38 ng impeachment trial ni VP Sara Duterte

Ipagpapatuloy ngayong Day 38 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang cross-examination ng defense team kay financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera.

Si Cabrera ang nagsagawa ng pag-re-review sa mga AMLC reports, mga corporate record ng mag-asawang VP Duterte at Atty. Mans Carpio, gayundin ang mga financial statement, bank accounts, corporate accounts at mga tax record.

Kung matatandaan, idinetalye ni Cabrera na nasa P817.9 million ang hindi deklaradong assets ni VP Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) mula 2022 hanggang 2025.

Ito ay panahon din na bise presidente na ng bansa si Duterte.

Tinukoy din sa paglilitis noong nakaraang linggo ang P319 million na pumasok sa mga kumpanyang may kaugnayan sa mag-asawang Duterte-Carpio.

Kabilang dito ang Metro City Chow Foods Corp., GenCorp Industries Inc., at Cale88.

Ilan pa sa mga kumpanyang ito ay nakatanggap ng pera mula sa China at sa ibang bansa sa Europa na sinasabing may kinalaman naman sa money laundering.

Ikinagulantang din ng ilang senator-judge ang higit P1 billion na pumasok na pera sa GenCorp na hindi idineklara sa BIR.

Matatandaan namang sinabi ng prosekusyon na si Cabrera na ang huling testigo para sa Article 2 o ang unexplained wealth at hindi tamang pagdedeklara ng SALN ni VP Duterte.

Facebook Comments