Kabilang sa mga nagpatupad ng mas mahigpit na pagbabantay ang Urdaneta City Police Station, na nagsagawa ng mas pinaigting na school watch operations para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng mga paaralan.
Ayon sa pulisya, nakipag-ugnayan sila sa Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at iba pang non-government organizations upang palawakin ang pagpapatrolya sa mga paaralan sa buong lungsod.
Pinalawig din ang oras ng kanilang pagbabantay—bago magsimula ang klase, habang may pasok, at maging pagkatapos ng dismissal—upang maagapan ang anumang posibleng banta.
Bukod sa mas maigting na presensya ng mga awtoridad, nakipagpulong din ang Urdaneta City Police sa mga school heads at mga estudyante upang magbigay ng impormasyon at gabay hinggil sa lumalalang trend ng school threats at karahasan sa loob ng mga paaralan.
Samantala, hinikayat ng mga awtoridad ang publikk na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng anumang insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa loob at paligid ng mga paaralan.
Batay sa mga naitalang ulat, hindi bababa sa 15 insidente ng school-related violence at pagbabanta ang naitala sa loob lamang ng halos tatlong linggo noong Hulyo 2026, kung saan 32 estudyante ang nasugatan at tatlo ang nasawi. Dahil dito, nagpatupad ang Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP) ng mas mahigpit na security measures. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







