Wednesday, August 5, 2026

ILANG ESTABLISYEMENTO SA MANAOAG,NAKUMPISKAHAN NG ILEGAL NA SIGARILYO

Kahon-kahong hinihinalang ilegal na sigarilyo ang nakumpiska at agad na winasak ng mga awtoridad sa isinagawang malawakang inspeksyon sa mga tindahan sa Brgy. Poblacion, Manaoag noong Agosto 4, 2026.

Ayon sa mga awtoridad, tinatayang 10 sa 50 establisimyentong ininspeksyon ang natukoy na nagbebenta ng mga ilegal na sigarilyo. Lahat ng nakumpiskang produkto ay agad na sinira upang hindi na muling maikalat sa merkado.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Philippine Tobacco Institute (PTI), katuwang ang kanilang partner agency, Philippine National Police (PNP), Market Division ng bayan, at mga opisyal ng barangay.

Ang inspeksyon ay bahagi umano ng nationwide awareness campaign para masugpo ang paglaganap ng ilegal na sigarilyo.

Sinabi ni Mayor Jeremy Agerico Rosario na higit pang paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang kampanya laban sa bentahan ng ilegal na sigarilyo sa bayan.

Nagpasalamat naman ang kapitan ng Brgy. Poblacion sa pagpili sa kanilang lugar bilang bahagi ng inspeksyon, at nagpahayag ng suporta sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng produktong tabako.

Ang mga mahuhuling sangkot sa bentahan ng ilegal na sigarilyo ay maaaring humarap sa dalawa hanggang limang taong pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P200,000.

Samantala, ang pagbebenta ng mga produktong walang kaukulang tax stamp ay maaari namang patawan ng multang hanggang P1 milyon at lima hanggang walong taong pagkakakulong.

Idinagdag pa ng mga awtoridad na may mga probisyon din sa Republic Act No. 12022 na maaaring magpataw ng mas mabigat na pananagutan sa mga lalabag. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments