
Panibagong tensyon ang nangyari kanina sa sesyon ng plenaryo nang magkainitan sina Senator Robinhood Padilla at Senator Kiko Pangilinan.
Sa gitna ng sesyon ay tinatalakay ni Padilla ang Senate Resolution 44 at ang dahilan sa pagkakalagay kay Senator Bato dela Rosa sa ilalim ng “protective custody” ng Senado.
Iginiit naman ni Pangilinan na nasa committee on rules na ang nasabing usapin at dapat bigyang daan na ang ibang usapin.
Pero sa gitna ng pagpapaliwanag ni Pangilinan ay sumingit sa pagsasalita si Padilla.
Dito ay biglang tumaas ang boses ni Pangilinan dahil siya pa ang nagsasalita.
Sinabi naman ni Padilla na gusto niya ireklamo si Pangilinan dahil sa pagsigaw sa kanya.
Matapos nito ay sinuspindi muna ang sesyon at nagkaroon ng pagkakataon na magharap ang dalawang senador.
Tinangka ni Pangilinan na makipagkamay kay Padilla para makipagkasundo pero hindi ito tinanggap ni Padilla.
Katwiran ni Padilla, hindi siya sanay na nasisigawan at nanonood ang kanyang asawa at mga anak at kung siya ang nakagawa noon ay agad siyang hihingi ng paumanhin.
Tuloy naman ang paghahain ni Padilla ng ethics complaint laban kay Pangilinan.










