Thursday, May 28, 2026

𝟮 𝗘𝗠𝗣𝗟𝗘𝗬𝗔𝗗𝗢 𝗡𝗚 𝗔𝗣𝗣𝗟𝗜𝗔𝗡𝗖𝗘 𝗦𝗧𝗢𝗥𝗘 𝗦𝗔 𝗧𝗨𝗚𝗨𝗘𝗚𝗔𝗥𝗔𝗢 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗦𝗜𝗡𝗔𝗞𝗦𝗔𝗞 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗡𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡𝗔𝗟 𝗠𝗔𝗡𝗔𝗚𝗘𝗥

Cauayan City – Maswerteng nakaligtas ang dalawang empleyado ng isang appliance store sa Balzain Highway sa Tuguegarao City, matapos silang saksakin ng kanilang regional manager.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang suspek na si alyas “Ben”, 40-anyos na residente ng Centro 1, habang ang mga biktima ay isang 33-anyos na collector at isang 32-anyos na cashier.

Lumalabas na nagtungo umano ang manager sa tindahan upang gumamit ng banyo bago naganap ang insidente.

Ayon sa ulat, matapos lumabas ng comfort room ay tinawag umano ng suspek ang collector at itinuro ang isang bahagi ng likurang area ng establisimyento. Habang nakatingin ang biktima sa direksyong itinuro, bigla umano itong sinaksak sa balikat. Agad namang nakatakbo at nakalayo ang collector mula sa suspek.

Samantala, lumapit naman umano ang cashier matapos makita ang kasamahan na tumatakbo, ngunit natigilan ito nang mapansin ang dugo sa sahig.

Sa takot, napa-upo umano siya at nakiusap sa suspek, ngunit kinagat pa umano siya nito sa tuhod bago sinaksak sa likod. Nakaligtas lamang ang cashier matapos niyang masipa ang suspek dahilan upang matumba ito.

Dinala sa ospital ang dalawang biktima upang lapatan ng agarang lunas, habang isinugod din sa pagamutan ang suspek matapos magtamo ng pinsala.

Hanggang ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng suspek sa nangyaring pananaksak.

Facebook Comments