1 patay, 1 sugatan sa pananaksak sa isang inuman

Libacao, Aklan- Isa ang patay habang isa naman ang sugatan sa nangyaring pananaksak sa isang inuman dakong alas-10 Linggo ng gabi sa Brgy. Pampango Libacao.
Nakilala ang namatay na si Manuel Imarga 48 anyos residente ng sitio Libang, Pampango habang patuloy na ginagamot sa ospital si Rolando Masagnay, 54 anyos na taga brgy Loctuga sa naturang bayan.
Ayon kay PCPL. Johnlee Valencia ng Libacao PNP, habang nag iinuman kasama ang kanilang mga barkada, may nangyaring hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa.
Para makaiwas, nag desisyong umuwi si Masagnay kung saan habang naglalakad papunta sa kanyang motorsiklo ay sinundan ito ni Imarga at inundayan ng saksak sa kanyang tiyan.
Nagawang maagaw ni Masagnay ang kutsilyo ni Imarga at sinaksak ang huli sa kanyang kili kili.
Nagawa pang mag sumbong ng biktima sa kanilang mga kasamahan na si Masagnay ang sumaksak sa kanya.
Dahil malayo ang lugar na pinangyarihan at sa malubhang sugat na tinamo ni Imarga agad itong binawian ng buhay.
Isinugod naman sa Libacao Infirmary si Masagnay at kalaunan ay nirefer sa provincial hospital at naka ICU ngayon matapos lumabas ang kanyang bituka.
Personal namang itinurnover ni Pampango Brgy Cpt. Adriano Dala ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.
Sa ngayon ay nakatakdang sampahan ng kasong homicide si Masagnay na naka hospital arrest.
Facebook Comments