Thursday, May 14, 2026

10 bahay, tinupok ng apoy sa Quezon City; mahigit 60 indibidwal, apektado

Inimbitahan na ng Quezon City Fire District sa Quezon City Hall ang mga umuupa sa mga bahay na nasunog kaninang alas-8:00 ng umaga, Mayo 14, sa Kasayahan Street, Barangay Batasan Hills, Quezon City upang imbestigahan ang nasabing insidente.

Samantala, labis naman ang panghihinayang ng ilang residenteng nasunugan dahil maging ang mga bagong bili nilang gamit sa bahay ay naabo rin.

Sa kabilang banda, kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ay pinaghihinalaan na ng ilang residente na sa bahay na inuupahan umano ni Kuya Marian Escrupolo nagsimula ang sunog, ngunit agad naman niya itong pinabulaanan.

Sa ngayon, kinumpirma na ng Team Leader ng Batasan Fire and Rescue na si Geraldine Antique na 10 bahay ang nasunog, kung saan 13 pamilya o mahigit 60 indibidwal ang apektado. Dadalhin ang mga ito sa Pangasinan Covered Court ng Barangay Batasan Hills upang doon pansamantalang manuluyan.

Samantala, kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad kung may mga residenteng nasaktan o nasugatan sa insidente. Kumpirmado naman na may isang fire volunteer na nagtamo ng sugat sa kamay, ngunit agad itong nalapatan ng paunang lunas at inendorso sa health center upang mabigyan ng anti-tetano.

Facebook Comments