Pagpapahusay sa kalidad at kaligtasan ng mga produktong pagkain ng mga lokal na kooperatiba at micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa Pangasinan ang layon ng food laboratory testing assistance ng Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan.
Sa pakikipag-ugnayan sa Department of Science and Technology o DOST, sa pamamagitan ng Regional Standards and Testing Laboratories, isinailalim sa laboratory analysis ang iba’t ibang produktong pagkain ng 10 benepisyaryong kooperatiba, asosasyon, at lokal na negosyo.
Kabilang sa mga produktong sinuri ang peanut polvoron, mulberry yoghurt, tamarind candies, squash noodles, mga produktong cacao, chili oil, rice cookies, pigmented rice, guyabano spread, choco mango candy, at soya milk.
Sa pamamagitan ng mga resulta ng laboratory testing, magkakaroon ang mga benepisyaryo ng gabay sa pagpapahusay ng kanilang mga produkto, pagtugon sa mga pamantayan sa kalidad at kaligtasan ng pagkain, at paghahanda sa mas malawak na oportunidad sa pamilihan.
Patuloy namang nakikipagtulungan ang DTI Pangasinan sa mga katuwang na ahensiya upang mapalakas ang kakayahan, kakompetensiya, at pangmatagalang pagpapatuloy ng mga lokal na negosyo sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







