Tumanggap ang 10 mag-aaral mula sa Lucao Elementary School sa Dagupan City ng libreng salamin sa mata para sa pagbabasa sa ilalim ng programang Project Linaw Mata for Kids, ngayong Lunes, Oktubre 26.
Isinagawa ang turnover ceremony sa City Plaza bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 National Children’s Month, sa pakikipagtulungan ng Siapno-Tada Optical.
Naglalayong makatulong ang programa na mapabuti ang paningin ng mga bata upang mas maging madali ang kanilang pagbabasa, pag-aaral, at pagkatuto.
Nagpasalamat naman ang mga tagapagtaguyod ng programa kina Dra. Vicky Siapno-Tada, Dra. Cheryl Tada, at sa buong pamunuan ng Siapno-Tada Optical sa kanilang suporta at malasakit sa mga batang Dagupeño.
Malaking tulong din ang inisyatibang ito sa A.B.K.D. o Ang Bawat Kabataang Dagupeño Nakakabasa Program, na naglalayong paunlarin ang kakayahan sa pagbasa ng mga kabataan sa lungsod.
Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, patuloy na isinusulong ang mas malinaw na paningin at mas magandang oportunidad para sa kinabukasan ng mga kabataan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







